MANILA, Philippines- Tinatayang nasa mahigit P42 milyong halaga ng ilegal na droga ang nakumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa isang South African national sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Pasay City nitong Sabado ng gabi.
Nabatid sa BOC na dakong alas-9:20 ng gabi nang magsagawa ng operasyon ang mga awtoridad katuwang ang mga tauhan ng Intelligence Foreign and Liaison Division at mga opisyal ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa NAIA Customs International Arrival Area of Terminal 3.
Ang operasyon ay nagresulta sa pag-aresto sa isang 31-taong-gulang na lalaking South African national, na nakuhanan ng isang itim na bagahe na naglalaman ng isang transparent plastic pouch na nakabalot ng itim na duct tape at packaging tape.
Ayon sa BOC, sa loob ng pouch ay isang puting crystalline substance na hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 6,200 gramo at tinatayang karaniwang presyo ng gamot na P42.16 milyon.
Ang mga nasamsam na ebidensya ng hinihinalang droga ay inimbentaryo, minarkahan, kinunan ng larawan at agad na isinumite sa PDEA Laboratory Service para sa pagsusuri. JAY Reyes