Home NATIONWIDE Higit P42M ‘tobats’ nasabat sa Ugandan nat’l sa NAIA

Higit P42M ‘tobats’ nasabat sa Ugandan nat’l sa NAIA

222
0

MANILA, Philippines – Arestado ang isang Ugandan national sa ikinasang Interdiction Operation matapos magtangkang magpuslit ng mahigit anim na kilo ng shabu sa Arrival Area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 Martes ng gabi, Oktubre 28.

Sa report na nakalap sa Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG), kinilala ang nadakip na suspek na si Ahmed Adnan, Ugandan national, 45, negosyante, tubong Katabi Busampaga, Entebbe City, Uganda.

Base sa isinagawang imbestigasyon ng IADITG, naganap ang pag-aresto kay Adnan bandang alas 8:07 ng gabi sa Customs Exclusion Room, Arrival Area, NAIA Terminal 3, Pasay City.

Ayon sa IADITG, si Adnan ay isang paparating na pasahero sa NAIA Terminal 3 lulan ng Ethiopian Airlines Flight ET 852 galing Antananarivo, Madagascar, na may connecting flight patungong Addis Ababa via Ethiopian Airlines Flight ET 644.

Hindi nakalusot ang kulay gray na bagahe ng suspek sa inspeksyon gamit ang x-ray machine nang may nakitang kahina-hinalang bagay sa loob nito, kaya’t pinabuksan ito ng customs inspector.

Sa pagsasagawa ng inspeksyon sa bagahe ng suspek habang nakaharap ang mga operatiba ng Team 1 ng NAIA-IADITG, nadiskubre ang limang bag na may improvised packaging tape na naglalaman ng white crystalline substance na hinihinalang shabu na may timbang na 6.25 kilos, na nagkakahalaga ng P42,500,000.

Nasamsam sa bagahe ng suspek ang isang bundle ng damit, isang bundle ng iba’t ibang laruan, extension cord, hair straightener, isang kahon ng ginseng at kendi na kape, isang bote ng Himalaya Shilajit gummies, isang bundle ng tea bags, panlalaking massage gel, at isang pares ng sapatos.

Kasama rin sa mga nakumpiska kay Adnan ang kanyang pasaporte at boarding pass, itim na Biaowang backpack na naglalaman ng tatlong bank cards, cellular phone, anim na pirasong tig-$100 US dollars, at isang company ID.

Ang nakumpiskang ebidensya ay dinala sa PDEA Laboratory Service para isailalim sa laboratory examination.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 4 of Art. II of RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) sa Pasay City Prosecutor’s Office.

Ang Team 1 ng NAIA-IADITG ay binubuo ng mga operatiba ng iba’t ibang ahensya na pinangungunahan ng PDEA RO NCR, kabilang ang Bureau of Customs – Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (BOC-CAIDTF), PNP Aviation Security Group (AVSEG), Airport Police Department (APD), PNP Drug Enforcement Group (DEG), National Bureau of Investigation (NBI), gayundin ng Bureau of Immigration (BI).

(James I. Catapusan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here