MANILA, Philippines – Namahagi ang Philippine National Police (PNP) ng mahigit P4 milyon na cash incentives sa 21 sibilyang impormante na ang mga tip ay nagresulta sa pag-aresto ng mga high-value suspects na sangkot sa malalalang krimen.
Ayon sa PNP, ang pinakamalaking reward na P1 milyon ay ibinigay sa isang tipster na tumulong sa pag-aresto ng suspek na may 54 kaso ng terrorism financing.
Isa pang impormante ang nakatanggap ng P450,000 matapos makatulong sa paglutas ng kasong murder, kidnapping, at serious illegal detention na may kaugnayan sa ransom.
“Sa simpleng pagbabahagi ng impormasyon, nakatulong kayo sa pag-iwas sa kapahamakan, sa pagprotekta ng buhay, at sa pagpapatibay ng ating kampanya laban sa krimen,” ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr.
“Ito ay malinaw na patunay na ang bawat mamamayan ay may mahalagang papel sa pagpapanatili ng kapayapaan,” dagdag niya.
Sinabi rin ng PNP na ang mga insentibo ay pagkilala sa pakikipagtulungan ng publiko sa halip na simpleng pagbibigay lamang ng pera.
Samantala, muling nanawagan ang PNP sa publiko na tumulong sa paghahanap sa mga high-profile fugitives, kabilang si dating kongresista Zaldy Co at businessman Atong Ang.
Ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG), umabot na sa P20 milyon ang pabuya para kay Ang na itinuturing na isa sa most wanted persons.
“We still have a bunch of wanted person from very high profile… lalong lalo natin si Atong Ang,” saad ni Nartatez.
Dagdag pa niya, patuloy ang operasyon ng pulisya sa koordinasyon ng iba’t ibang team at inaasahang maaaresto rin ang mga suspek sa tamang panahon. RNT/MND