MANILA, Philippines – Hiniling ni Senate ethics committee chairperson JV Ejercito nitong Lunes kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa na magbigay ng komento sa panukalang amyendahan ang Senate rules para ipatupad ang “no work, no pay” policy sa mga senador na madalas lumiban.
Ayon kay Ejercito, tinalakay ito ng Senate Committee on Ethics and Privileges sa kanilang pagpupulong kaugnay ng mga reklamo laban sa ilang miyembro ng Senado.
“Because of the issues, there is a proposal to amend the rules of the Senate already on absenteeism… by asking Senator Dela Rosa to comment,” aniya.
Kinumpirma rin niya na tumutukoy ito sa “no work, no pay” na prinsipyo.
Sinabi ni Ejercito na nais nilang isulong ang patas na patakaran, kung saan kahit mga senador ay dapat sumunod sa prinsipyo na kung hindi nagtatrabaho ay hindi dapat tumanggap ng suweldo at allowance.
“Siguro just to be fair also… maganda naman na sana isakripisyo nalang ‘yung allowance and salary… It has to apply to all,” saad niya.
Ayon pa kay Ejercito, si Dela Rosa ay hindi pa nakadadalo sa sesyon mula Nobyembre 2025, sa gitna ng ulat ng umano’y arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng war on drugs.
Kasabay nito, iniulat din ng komite na apat sa siyam na reklamo ang ibinasura dahil sa kakulangan sa form at nilalaman, habang ang iba ay ipinagpaliban o hinihintay pa ang karagdagang impormasyon mula sa mga ahensya ng gobyerno.
Nilinaw din ng komite na mananatiling kumpidensyal ang kanilang mga pagdinig at talaan. RNT/MND