MANILA, Philippines – Malugod na tinanggap ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang donasyon na 20 motorsiklo mula sa Chiang Kai Shek College para sa Manila Police District (MPD) nitong Lunes ng umaga, Mayo 4, 2026.
Isinagawa ang turnover ceremony kasabay ng lingguhang flag-raising sa Manila City Hall, kung saan personal na tinanggap ni MPD District Director PBGen. Arnold Santiago ang mga sasakyan para sa kapulisan.
Pinangunahan naman ng mga opisyal ng Chiang Kai Shek College ang kanilang delegasyon, kabilang sina Honorary Chairman Johnson Tan, Treasurer Eduard Tio, Auditor Margarita Go, College President Dr. Judelio Yap, Vice President Dr. Rolance Chua, at Director for Institutional Advancement and Development na si Margaret Salvador.
Ayon kay Domagoso, umabot na sa tinatayang 60 yunit ng motorsiklo ang kabuuang donasyon sa MPD, na aniya’y malaking tulong upang mapalakas ang mobility at kakayahan ng pulisya sa mabilis na pagtugon sa krimen.
Dagdag pa ng alkalde, agad na gagamitin ang mga motorsiklo sa operasyon sa ilalim ng pamumuno ni PBGen. Santiago.
“Ilalaan natin ang mga ito upang mas epektibong matugunan ang mga insidente at kung may pagkakataon ay mapigilan ang krimen. At kung hindi man mapigilan, hahabulin natin ang mga ito anuman ang mangyari,” pahayag ni Yorme Isko.
Tiniyak din ng alkalde sa mga donor na gagamitin ang mga motorsiklo para lamang sa kapakanan ng publiko at nagpasalamat sa patuloy na pagtitiwala ng Chiang Kai Shek College sa MPD.
“Pumanatag kayo, sa pamumuno ni General Santiago, lubos naming gagamitin ito para sa kapakanan ng publiko. Maraming salamat sa inyong tiwala sa Manila Police District,” ani Domagoso. JAY Reyes








