CEBU, Philippines – Mahigit P5.2 milyon halaga ng shabu at ilang mga armas ang nasamsam sa sunud-sunod na operasyon ng pulisya sa Central Visayas mula Pebrero 8 hanggang 14, na nagtapos sa Araw ng mga Puso.
Ayon sa Police Regional Office-Central Visayas (PRO-7), nakumpiska ang 769.27 gramo ng shabu at naaresto ang 196 na suspek sa droga, kabilang ang anim na high-value individuals.
Kasabay nito, naaresto rin ang 128 wanted persons, 12 sa kanila ay kabilang sa listahan ng most wanted persons. Sa kampanya laban sa ilegal na sugal, 73 katao ang naaresto at P11,660 halaga ng pustahan ang nakumpiska.
Sa kampanya laban sa loose firearms, nasamsam ang 35 unlicensed guns at naaresto ang 25 katao.
“Ang bawat naarestong fugitibo, bawat nasamsam na armas, at bawat nakumpiskang droga ay direktang nakakatulong sa mas ligtas na komunidad sa Central Visayas,” ani Police Brig. Gen. Redrico Maranan, hepe ng PRO-7.
“Patuloy naming palalakasin ang mga matatag, intelligence-based operations upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan,” dagdag niya. RNT/MND