MANILA, Philippines – Sa mabilis na pagresponde ng mga tauhan ng Taguig City police ay nadakip ang nag-iisang suspect na nagtangkang mangholdap at tumangay ng P7.4 milyon sa isang pribadong pangpinasyal na institusyon sa Taguig nitong Linggo ng hapon, Mayo 4.
Kinilala ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director P/Maj Gen Anthony A. Aberin ang nadakip na suspect na si alyas Bernard, 54.
Base sa report na natanggap ni Aberin ay nakatanggap ng automated alarm system signal ang Taguig Sub-Station 2 mula sa isang financial institution na matatagpuan sa Veterans Center, Barangay Western Bicutan, Taguig City dakong alas 3:36 ng hapon.
Agad na rumesponde ang Sub-Station Commander kasama ang dalawa pa niyang tauhan na naabutan pa ng mga ito ang suspect sa loob ng naturang establisimiyento.
Ilang saglit pa ay dumating naman ang mga operatiba ng Taguig police Special Weapons and Tactics (SWAT) at Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU) upang tumulong sa pag-aresto ng suspect.
Napag-alaman sa imbestigasyon na na pumasok ng naturang establisimiyento ang suspect at dahil regular na kliyente na ito ng nabanggit na institusyon kung kaya’t hindi na ito kinapkapan pa ng nababantay na guwardiya.
Dahil nga sa regular na itong kliyente ay nagpaalam ang suspect na gumamit ng restroom at sa kanyang paglabas ay bitbit na nito ang isang .9mm na baril kung saan nagdeklara ito ng holdup.
Tinutukan ng suspect ng baril si alyas “Nadielyn”, 35, na branch service officer ng establisimiyento at inatasan naman ang marketing officer na si alyas “Liezel,” 41 na buksan ang kanilang vault.
Makaraang mabuksan ang vault ay tinutukan naman nito ng suspect ng kanyang hawak na baril si “John,” 28, loan processor, para ilagay ang pera na nagkakahalaga ng P7,464,800 sa kanyang camouflage backpack.
Lingid sa kaalaman ng suspect ay pasimpleng nai-activate ni alyas Liezel ang silent alarm kung kaya’t ilang saglit lamang ay nagdatingan na ang mga rumespondeng pulis na umaresto kay alyas Bernard.
Nakumpiska sa posesyon ng suspect ang isang Armscor .9mm pistol na kargado ng siyam na bala habang nabawi naman ang P7,464,800 na kanyang tinangkang tangayin.
Pinuri naman ni Aberin ang mga operatiba sa maagap at pagiging propesyunal sa pagtugon ng kanilang mga tungkulin sa pagbibigay ng serbisyo sa publiko.
“Ang ipinakitang mabilis at maayos na pagresponde ng ating mga kapulisan ay patunay ng kanilang kahandaan at dedikasyon sa tungkulin. Ganito ang pagpapatupad ng batas-mabilis, mahusay at walang pag-aalinlangan,” ani Aberin.
Sinabi ni Aberin na ang Joint Anti-Bank Robbery Action and Cyber Crime Coordinating Committee (JABRACCC), na pagkakaisa sa pagitan ng PNP at pribadong sektor, ang nagpapalawak sa paghahanda ng kapulisan sa pagtugon na may kaugnayan sa bank-related crimes sa pamamagitan ng malinaw na protocols, koordinasyon, at stratehiya ng real-time response.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Taguig City police ang suspect na nahaharap sa mga kasong robbery (hold-up), paglabag sa RA 10591 na may kaugnayan sa RA 7166, at serious illegal detention sa Taguig City Prosecutor’s Office. James I. Catapusan