MANILA, Philippines – NAHARANG ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa pakikipag-ugnayan sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang tinatayang nasa higit P9 milyon halaga ng “agarwood” makaraang tangkain itong ilabas ng bansa makaraang madiskubre ito sa isinagawang inspeksyon sa isang warehouse facility sa Pasay City noong Setyembre 10, 2025.
Ayon sa BOC, ang naharang na tatlong parsela ay idineklara na naglalaman ng mga pinatuyong “alingatong” wood chips ngunit na-flag sa pamamagitan ng x-ray inspection dahil sa mga kahina-hinalang larawan.
Dahil dito, ang mga pakete ay sumailalim sa 100% pisikal na inspeksyon na nagresulta sa pagkakadiskubre ng 3.80 kilo, 4.10 kilo, at 4.52 kilo ng agarwood, sa halip na ang mga idineklarang item.
Dahil sa tangkang misdeclaration, nahaharap ito sa paglabag sa Republic Act No. 10863 (Customs Modernization and Tariff Act), Republic Act No. 9147 (Wildlife Resources Conservation and Protection Act) at Presidential Decree No. 705 (Revised Forestry Code of the Philippines).
Ang mga nasamsam na kargamento ay inilagay sa kustodiya ng BOC-NAIA para sa tamang disposisyon, sa pakikipag-ugnayan sa DENR para sa kaukulang aksyon.
“This interception reinforces our commitment to safeguarding the country’s natural resources and preventing the illegal trade of endangered species. The Bureau of Customs will continue to intensify enforcement to protect biodiversity and ensure compliance with environmental laws,” ani BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno. JAY Reyes