MANILA, Philippines – Mahigit 24,000 public schools sa buong bansa ang kulang sa kwalipikadong mga principal dahil sa mababang passing rates sa mga exam na kailangan para sa naturang posisyon, at hiring policy ng Department of Education (DepEd) na maikokonsiderang outdated.
Ito ang napag-alaman sa pinakabagong evaluation ng
Second Congressional Commission on Education (Edcom 2) sa education sector.
Sa pinakabagong datos ng DepEd, nakita na sa 45,918 public schools sa buong bansa, 20,718—o 45 percent— ang may principal na nakapasa sa qualifying exams sa posisyon.
Mayroon ding 5,904 exam takers ang hindi pa napo-promote matapos makapasa sa National Qualifying Examinations for School Heads (NQESH) noong 2021 at 2023.
Ang NQESH ay isang compulsory exam para sa mga nais maging principal at assistant principals.
Tanging 36 percent at 26 percent lamang sa mga examinees ang nakapasa sa 2021 at 2023 tests.
Tinukoy din sa Edcom report ang passing rate noong 2018 na 0.68 percent, 25 percent noong 2017 at 2 percent noong 2016.
Dagdag pa, may epekto rin umano ang 1997 policy na naglilimita sa pag-hire ng mga principal batay sa bilang ng teaching personnel sa bawat paaralan.
“We are severely short of principals. Are you not panicking?” sinabi ni Pasig City Rep. at Edcom cochair Roman Romulo, sa mga opisyal ng DepEd.
Ayon kay Education Undersecretary Wilfredo Cabral, nasa proseso na ng pagrerebisa ng parameters na itinakda noong 1997, ang ahensya.
Gumagawa rin ng bagong polisiya ang DepEd na tatarget sa ratio na isang principal sa bawat paaralan, ngunit mag-oobliga umano ito ng sapat na pondo.
“We are currently finalizing the new standards, with the help of Edcom, since it will have budget implications,” ani Cabral. RNT/JGC