MANILA, Philippines – Nagpapatuloy ang search and rescue operation para sa isang hiker na napaulat na nawawala sa Mount Kalatungan sa Pangantucan, Bukidnon.
Matapos ang ilang araw na paggalugad sa kagubatan ng Mt. Kalatungan, nakabalik na ang unang search and rescue team na ipinadala upang hanapin ang 31-anyos na hiker na si Alkharj Zamayla, na nawala noon pang nakaraang linggo matapos umakyat sa naturang bundok.
Ayon sa mga rescuer ay masukal ang kagubatan at matatarik ang mga bangin, kasabay pa ng pabago-bagong panahon na nagpahirap sa paghahanap.
Nagkita-kita naman ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), pulisya, militar, Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO), at iba pang search and rescue groups upang tukuyin at i-mapa ang mga lugar na nasakop na ng operasyon.
Ayon sa Police Regional Office-Northern Mindanao (PRO-10), pinalawig ang search and rescue operation mula sa standard na pitong araw ay ginawang 10 araw matapos malaman na ang nawawalang hiker ay nagtatrabaho bilang safety officer.
Nagpadala na rin ng mga kagamitan at K-9 dogs sa Mt. Kalatungan para palakasin ang nagpapatuloy na search efforts.
Nasa ikapitong araw na ang search and rescue operation mula nang huling makita si Zamayla noong Hunyo 12. RNT/JGC