MANILA, Philippines – Pinagpapaliwanag ng Commission on Audit (COA) ang pamahalaang lungsod ng Himamaylan, Negros Occidental dahil sa mga umano’y iregularidad sa paggamit ng 2023 budget, kabilang ang kuwestiyonableng paggastos ng P43.132 milyon.
Ayon sa COA, may hindi umanong tugmang dokumento sa financial records ng lungsod, na nagdulot ng kawalan ng katiyakan sa kanilang financial statements. N
apansin din ang maling pagkakaklasipika ng P113.429 milyong halaga ng semi-expendable properties bilang Property, Plant, and Equipment (PPE), na nagpapataas sa halaga ng assets ng lungsod.
Bukod dito, may P13 milyong discrepancy umano sa cash-in-bank account ng Himamaylan LGU, kung saan lima lamang sa 13 bank accounts ang na-reconcile sa pagtatapos ng taon.
Napansin din ang umano’y underutilization ng disaster funds, kung saan P28.28 milyon lang sa P37.6 milyong pondo ang nagamit, at P10.46 milyon lamang mula sa P14.3 milyong disaster-related capital outlay budget ang nailabas.
Huling-huli rin umano ang pagsusumite ng cash advance vouchers para sa Confidential Funds (P10.8 milyon) at mga resibo ng proyekto (P13.9 milyon), pati na ang undocumented disbursements ng Health Emergency Allowance na nasa P29.136 milyon.
Hindi umano ito ang unang beses na may natuklasang anomalya sa Himamaylan. Noong 2022 audit, 39 na rekomendasyon ang ibinigay ng COA, ngunit 23 lamang ang nasunod ng LGU, dahilan kung bakit marami pa ring problema sa kanilang financial records. RNT