NOONG Agosto 21, namahagi ng may 250 pakete ng pagkain ang pinagsanib na pwersa ng Philippine Chinese Dragon Association Inc. at National Capital Region Police Office Press Association sa Angel Santos Covered Court sa Barangay Tumana, Marikina City bilang tulong sa mga residente ng lugar na naging biktima ng pagbaha sa lugar dulot ng habagat na sinabayan ng Bagyong Carina noong nakaraang buwan.
Kaisa ng PCDAI at NCRPOPA ang Media House Express sa programang “Ayuda Sa Mga Biktima Ng Bagyong ‘Carina’ sa Marikina” at ang huli ang nakipag-ugnayan sa pamunuan ng barangay na pinangunahan nina Kagawad Letlet Cruz Makiramdam at Kagawad Valfred De Guzman, kapwa ng Barangay Concepcion Uno, Tumana. Kasama ng dalawang opisyal ng barangay sa pagtulong sa pamamahagi ang LCM Angels at Triskelion/Tau Gamma Marikina Chapter’
Hindi na nagbigay ng pahayag ang pangulo ng PCDAI na si Mike Chua at maging ang kanyang Bise Presidente na si Henson Huang sapagkat para sa kanila, mas maganda ang aksyon kaysa salita. Sa totoo lang, nahihiya pa sila sapagkat ang 250 packs na ayuda lang ang kanilang naipamahagi na ang bawat plastic bag ay naglalaman ng 3 kilong bigas, 2 meat loaf, 2 sardinas, dalawang corned beef at 2 noodles.
Ang salita ni Chua sa Pakurot na siyang presidente ng NCRPOPA, sa susunod na pagtulong nila ay sisiguruhin nilang magiging sapat ang ayudang kanilang ipamamahagi. Ang mga miyembro ng PCDAI ay hindi mga nagtratrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators. Sila ay maliliit na negosyante na nagbebenta ng sari-saring produkto sa Divisoria, Sta Cruz at iba pang panig ng Metro Manila.
Gayunman, laking pasalamat pa rin ng mga residenteng nakatanggap ng ayuda sapagkat ilang araw silang hindi nakapaghanapbuhay noong matapos ang bagyo at ang iba sa kanila ay nagkasakit kung kaya ang ipinamahagi na tulong ng mga nagsanib pwersang PCDAI, NCRPOPA at MHE ay malaking tulong sa kanila.
Nakatutuwa ang pagtulong ng mga dayuhang ito sa ating mga Pinoy. Bukas ang kanilang puso at isipan sa pagbibigay ng tulong sa nangangailangan lalo na sa ating mga kababayang sadyang napapahirapan ng pagkakataon lalo na kapag tumatama ang sakuna o trahedya.
Salamat sa PCDAI at salamat sa mga miyembro ng NCRPO Press Association na nagsakripisyo ng kanilang oras para makiisa sa pamimigay ng ayuda sa mga residente ng Tumana.






