Home OPINION KASO NG QC BARANGAY CHAIRMAN, AIDE UMAKYAT SA KORTE

KASO NG QC BARANGAY CHAIRMAN, AIDE UMAKYAT SA KORTE

HINDI porke opisyal ka ng barangay ay magagawa mong lahat ang gusto mo kaya esep-esep din dahil baka lumalagpas ka na sa pinaggagawa mo bilang elected official.

Ito ang mensaheng, marahil ay bumabagabag ngayon kay Chairman Alfredo Roxas ng Barangay Kaligayahan, QC at Administrative Assistant na si Guillermo Rosales.

Sina Roxas, Rosales at Brgy. Kagawad Perla Mallari Adea ay ipinagharap ni dating Kagawad Marvin Miranda ng kaso sa Office of the Ombudsman noong Oktubre 27, 2023.

Sa kanyang salaysay, sinabi ni Miranda na gamit ang Barangay Letterhead ay pinayagan ni Roxas si Rosales na mag-solicit sa kompanyang MM Ledesma Laboratories.

Nakapaloob sa sulat ni Rosales sa naturang lab firm na nagre-request ng financial assistance para papremyo sa sumali ng “Ms. Gay kaligayahan” noong Hunyo 17, 2023.

Sinabi ni Miranda sa Ombudsman na ang kanilang barangay ay may alokasyong  budget na P500,000 sa Ms. Gay celebration ng LGBTQ kaya ‘di na kailangan pang mangalap ng papremyo.

Dahil sa kakulangan ng ebidensya, si Adea, focal person ng GAD na responsable sa programa na may kaugnayan sa ‘Ms. Gay Kaligayahan’ ay pinawalang sala.

Matapos na mapag-aralan ng Office of the Ombudsman ang kaso ay inindorso sa Office of the City Prosecutor ng Quezon City para sa patuloy na pagdinig.

Dahil may sapat na basehan ay inakyat ng piskalya ang kaso nina Roxas at Rosales sa Metropolitan Trial Court, National Capital Judicial Region Branch 137, Q.C.

Nauna nang naglabas ng warrant of arrest ang korte, subali’t natunugan nina Roxas at Rosales na kaagad nagbayad ng piyansa bago pa man sila arestuhin ng  awtoridad.

Sa Agosto 28, itinakda ng korte ang ‘arraignment and pre-trial’ sa kasong Violation of Section 7 (d) of Republic Act No. 6713 otherwise known as ‘An Act Establishing a Code of Conduct and Ethical Standards of Public Officials and Employees laban kina Roxas at Rosales.

Kaya payo natin sa mga halal ng bayan, maging malinis para iwas litis, iwas pulitika at iwas gastos sa abogado.