Home OPINION ESTUDYANTENG PINOY AANGAT NA KAYA SA PISA EXAMS?

ESTUDYANTENG PINOY AANGAT NA KAYA SA PISA EXAMS?

KAPAG kinukumusta natin ang mga titser ukol sa Program for International Student Assessment o PISA, iiling-iling na lang ang maraming titser.

Dalawang beses na kasing sumali ang mga 15-anyos na estudyanteng Pinoy mula sa mga private at public school ngunit palpak pa rin.

Kung hindi pinakakulelat sa nasa 70-80 bansang kasapi sa PISA, pangalawa o pangatlo pa rin sa pinakakulelat.

Pangunahing sa Math, Science at Reading nakabatay ang sukatan ng PISA sa galing ng mga bata.

Nitong PISA 2022, isinama ang critical o creative thinking sa mga sinukat at pangalawa tayo sa mga pinakakulelat.

Naiisip natin ang PISA dahil sa pagsisimula ng klase sa buwang ito at malayo pa sa taon na gagawa ulit ng eksam ang PISA.

Aangat na rin kaya ang grado ng mga batang Pinoy sa susunod na eksam?

‘Yung unang dalawang sakop ng PISA exam, nasa ilalim ni ex-DepEd Secretary Leonor Briones.

Hindi nasali ang Pinas sa panahon ni Vice President Inday Duterte pero sakaling magtutuloy-tuloy ang pag-upo ni Sec. Sonny Angara, matataon sa kanya ang ikatlong PISA exams.

Sa ngayon, binabalasa pa ni Angara ang mga posibleng gawin niya bilang DepEd chief at nirerebyu nito ang mga panahon ni Briones at Duterte.

Isang tanong lang: Magiging prayoridad ba ni Angara ang makipagsapalaran sa PISA exams.

Sa ibang salita, sa PISA exams ba mababatay ang edukasyon ng Pilipinas?

O may ibang mas mahalagang sukatan sa edukasyong Pinoy na kailangan ng bansa para sa pambansang pag-unlad.

Sana hindi mapupulitika ang edukasyong Pinoy at tanging para sa nararapat na edukasyong Pinoy ang laging isipin ng pamahalaan na isulong.

Kapag walang pangmatagalang programa ang sistemang edukasyon natin at pang-6 taong lang at nakaayon lang kapritso ng nakaupong administrasyon, walang kinabukasan ang kabataang mag-aaral kundi kulelat sa buong mundo.

Magbubunga rin ng pagkakulelat ng Pilipinas kumpara sa ibang mga bansa sa maraming larangan.