MANILA, Philippines- Pinaalalahanan ng Philippine Embassy sa Israel nitong weekend ang mga Pilipino sa Gaza na tumalima sa mga alituntunin sa ilalim ng yellow alert.
Sa abiso, sinabi ng embahada na mahigpit na ipatutupad ang mga alituntunin mula alas-6:30 ng umaga ng Agosto 25 hanggang alas-6 ng hapon ng Agosto 26, 2024, dahil walang nakikitang indikasyon ng pagbuti ng sitwasyon sa ceasefire at mga pag-uusap.
Kasado ang mga alituntunin sa mga lugar sa ilalim ng yellow alert batay sa deklarasyon ng Home Front Command — North Golan Area, South Golan Area, Confrontation Line, Upper Galilee, Lower Galilee, Center Galilee, Beit She’an Valley, HaAmakim, HaMifratz, HaCarmel, Menashe, Sharon, at sa Dan Area.
Nakasaad sa guidelines na ang pinapayagan lamang sa mga pagtitipon ay hanggang 30 indibidwal sa labas at 300 indibidwal indoors. Pinapayagan ang pagtatrabaho at educational activities sa loob ng mga establisimiyento o sa mga protected space.
Kasunod ito ng pagkasawi ng 50 katao sa Israeli military strikes sa Gaza noong Sabado. Sinabi ng Palestinian official na hindi umusad ang sitwasyon kasunod ng pag-uusap sa Cairo, at iginigiit ng Israel na panatilihin ang walong posisyon sa Philadelphi corridor.
Marami nang Pilipino sa Gaza Strip ang napauwi sa Pilipinas, kasunod ng Hamas attacks noong oktubre na nagresulta sa pagkasawi ng halos 1,160 indibidwal. RNT/SA