MAGPASALAMAT tayo nang lubos sa Diyos sa pagkakaligtas ng 23 marinong Pinoy, kasama ang 2 Ruso, mula sa nasusunog ngayong oil tanker na Saunion sa Red Sea na nasa pagitan ng Yemen at Eritrea.
Inatake ng mga Houthi sa Yemen na sakay ng tatlong maliliit na motorboat ang Saunion sa Red Sea noong Miyerkules ng umaga at tumama rito ang umano’y tatlong missile ng mga Houthi pagkatapos.
Nitong Biyernes, inilabas na ng mga Houthi ang larawan nasusunog na barko sa gitna ng karagatan.
Napag-alamang sinagip ang mga Pinoy at Ruso ng isang barkong militar mula sa European Union na nagpapatrulya malapit sa lugar ng pangyayari.
Salamat na rin sa mga nagligtas sa kanila.
GUMAGAWA NG PARAAN
Sala-salabat ang mga remedyo ng mga kompanya ng barko para maligtas ang mga barko at crew sa mga pag-atake ng mga Houthi hindi lang sa Read Sea kundi sa Gulf of Aden, Arabian Sea at mismong sa makipot na Bab al-Mandap na pasukan ng mga barko sa Red Sea at Gulf of Aden.
Para maligtas ang mga barko sa pag-atake, mga Bro, bago dumaan palabas o papasok sa Red Sea ang isang barko, nagmemensahe sila sa mga Houthi na Tsino o Ruso ang mga nakasakay.
Kung hindi naman, sinasabi nilang hindi sila dumaraong sa mga pantalan ng Israel.
Ang sinakyan ng mga Pinoy at Ruso na Saunion, napag-alamang dumaraong sa mga pantalan ng Israel kaya inatake ito.
Ngunit lumitaw na sa biyaheng ito, may karga ang barko na 150,000 bariles ng langis mula sa Basra, Iraq ngunit walang nakatitiyak kung saan dapat umano ito pupunta.
Nananatiling tahimik ang mga crew kung saan silang bansa dapat magdiskarga ng langis.
Ang ibang mga barko, umiiwas na lang na dumaan sa Red Sea at Gulf of Aden at sa halip, dumidiretso na lang sa south o dulo ng Africa na roon nagdodoble o nagtitriple ang isang linggong biyahe.
Sa biyaheng The Netherlands at China, nasa dalawang linggo lang umano ang barko kung daraan sa Gulf of Aden, Bab al-Mandab, Red Sea at Suez Canal.
Pero ngayon, umaabot na sa 34 araw ang biyahe, bukod sa pagmahal ng insurance ng mga crew at bagahe at matataas na bayarin sa mga puerto na kung saan sila humihimpil sa biyahe.
Nagmamahal tuloy pati ang mga dalang kalakal ng mga barko, mula langis, pagkain, electronics, sasakyan, gamot, gamit pangsakahan at iba pa na nakasasama, lalo na sa mahihirap na bansa.
LABAN LANG
Wala namang magawa ang mga tripulaneng Pinoy kundi ipaglaban ang kanilang propesyong marinero nang ligtas gamit lamang ang tibay ng loob, pagsandal sa Diyos at pagsaalang-alang sa kanilang mga pamilya dahil wala silang maaasahang pambuhay sa sarili at pamilya nila sa loob ng Pilipinas.
Paano nga kaya makalikha ang pamahalaan ng sapat na kondisyon sa paghahanapbuhay at pamumuhay para maisipang iwasan ng mga marinero ang pakikipagsapalaran sa bingit ng buhay at kamatay sa mga war zone sa mga karagatan?