MANILA, Philippines – Tinanggihan ng Pilipinas ang kahilingan ng Estados Unidos na mabigyan ng diplomatic immunity ang mga Amerikanong magiging bahagi ng itatayong artificial intelligence (AI) hub sa New Clark City, Tarlac, ayon sa mga opisyal.
Pinangunahan ni US Undersecretary of State for Economic Affairs Jacob Helberg ang site inspection at unveiling ng marker para sa proyektong AI hub na sasaklaw sa mahigit 1,600 ektarya at inaasahang makakahatak ng bilyong pisong pamumuhunan.
Ang kahilingan para sa diplomatic immunity ay magpapalaya sana sa mga US personnel sa loob ng pasilidad mula sa saklaw ng batas ng Pilipinas, ngunit sinabi ni Bases Conversion and Development Authority (Bases Conversion and Development Authority) President Joshua Bingcang na hindi pumayag ang pamahalaan.
“That’s their request, but we did not agree to that… It will be treated as a regular business development contract. No special arrangement to be accorded to the US,” ani Bingcang.
Hindi naman direktang sinagot ni Helberg ang isyu at sinabing nagpapatuloy pa ang mga talakayan na nakatuon sa technical assessment at pangmatagalang proteksyon para sa mga mamumuhunan.
Ayon sa BCDA, poprotektahan ang interes ng Pilipinas sa pamamagitan ng umiiral na mga batas gaya ng Investor’s Lease Act at BCDA Charter.
Bukod sa AI hub, tinitingnan din ng Estados Unidos ang posibilidad ng pagtatayo ng mga pasilidad para sa processing ng critical minerals, semiconductors, at advanced manufacturing na bahagi ng AI supply chain.
Ayon sa mga opisyal ng kalakalan, makatutulong ang proyekto sa pagsasama ng critical minerals at rare earth supply chains sa mas malawak na AI ecosystem, at may kahalintulad nang mga industrial zone sa bansa.
Hindi pa pinal ang porma ng proyekto kung ito ba ay lease, joint venture, o concession agreement. Inaasahang isasagawa ang technical assessment sa Hunyo habang target ang groundbreaking bago matapos ang 2028. Dave Baluyot