MANILA, Philippines – Itinalaga si Australian lawyer Kate Gibson bilang associate counsel sa defense team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa harap ng International Criminal Court (International Criminal Court), ayon sa dokumento ng registry na may petsang Mayo 18.
Ayon sa ICC, ang paghirang kay Gibson ay ginawa sa kahilingan ng lead counsel na si Peter Haynes KC, na nagsumite ng request sa parehong araw. Agad namang tinanggap ni Gibson ang naturang tungkulin.
Si Gibson ay isang beteranong international lawyer na mula pa noong 2005 ay kumakatawan sa mga kliyente sa iba’t ibang international courts at tribunals kaugnay ng mga malalaking kaso ng sigalot at high-profile defendants. Nakatrabaho niya si Haynes sa depensa ng dating Congolese Vice President na si Jean-Pierre Bemba na na-acquit noong 2018.
Kinatawan rin niya ang Congolese militia leader na si Bosco Ntaganda, Ugandan militant na si Joseph Kony, at mga Rohingya victims sa kasong may kaugnayan sa Bangladesh/Myanmar situation. Noong 2018, nagsilbi siyang legal consultant sa United Nations Independent International Fact-Finding Mission para sa Myanmar.
Haharap sa paglilitis si Duterte matapos kumpirmahin ng ICC judges ang mga kasong crimes against humanity kaugnay ng war on drugs. Ayon sa Pre-Trial Chamber I, may “substantial grounds to believe” na responsable siya sa murder at attempted murder na umano’y naganap mula Nobyembre 1, 2011 hanggang Marso 16, 2019, saklaw ang kanyang panunungkulan bilang alkalde ng Davao City at kalaunan bilang pangulo.
Ayon sa ICC, bahagi ang mga umano’y krimen ng “widespread and systematic attack against a civilian population.” Si Duterte ang kauna-unahang dating Asian head of state na haharap sa paglilitis sa ICC. Dave Baluyot