MANILA, Philippines – Pinag-aaralan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mungkahi ni Sen. Raffy Tulfo na ipatupad ang pagbabawal sa pagpapadala ng mga Filipino domestic workers sa Kuwait.
Ipinunto ni Tulfo, ang chairman ng Senate Committee on Migrant Workers, ang mga kamakailang pagkamatay ng mga Pinoy domestic workers sa Kuwait bilang dahilan ng ban, at itinuturing niyang ang gobyerno ng Kuwait ang may pananagutan sa panganib na kinakaharap ng mga migrant workers.
Ayon kay DMW Secretary Hans Cacdac, pinagtutuunan ng pansin ng departamento ang mga suhestiyon ni Sen. Tulfo tungkol sa mas mahigpit na mga requirements bago makaalis ang mga Filipino patungong Kuwait.
Subalit, aniya, hindi maaapektuhan ang mga OFWs na nasa Kuwait na. Kasalukuyang ipinagbabawal ng DMW ang pagpapadala ng mga first-time OFWs sa Kuwait at nagpapatupad ng mga hakbang tulad ng whitelisting at blacklisting ng mga Kuwaiti recruiters, pre-departure briefings, at electronic on-site monitoring.
Tinatayang mayroong 220,000 na Pilipino sa Kuwait, kung saan 70% ay nagtatrabaho bilang domestic workers. Tinutukoy ng DMW ang iba pang mga opsyon, kabilang ang mga posibleng pagbabago sa kasalukuyang bilateral agreement sa mga awtoridad ng Kuwait.
Ang mungkahi ay isinulong kasunod ng trahedya ng pagkamatay ni Jenny Alvarado, isang Filipino domestic worker sa Kuwait, na diumano’y namatay dahil sa pagkasakal mula sa nasusunog na uling. RNT