Home NATIONWIDE Hirit na protective writs ng 2 aktibista sinopla ng CA

Hirit na protective writs ng 2 aktibista sinopla ng CA

MANILA, Philippines – Ibinasura ng Court of Appeals (CA) ang petition for writs of amparo at petition for habeas data ng dalawang environmental activist laban sa mga opisyal ng pamahalaan na nagpadukot umano sa kanila nitong nakaraang taon.

Sa 55 pahinang desisyon ng CA Former Special Eighth Division, idinismis nito ang application para sa privilege ng writ of habeas data at writ of amparo nina Jonila Castro at Jhed Tamano dahil hindi sila nakapagprisinta ng sapat na ebidensya upang suportahan ang kanilang alegasyon.

Kabilang sa respondents sa petisyon ay sina National Security Council Assistant Director General Jonathan Malaya, National Task Force to End Local Communist Armed Conflict Lieutenant Colonel Ronnel B. Dela Cruz, Police Captain Carlito Buco at mga miyembro ng Philippine National Police – Bataan at mga miyembro ng 70h Infantry Battalion ng Philippine Army.

Hindi kumbinsido ang CA na may napipnto at patuloy na banta sa buhay, kalayaan at seguridad ng mga petitioner. Gayunman, inihayag ng appellate court na ang pagdukot at pagkakulong kina Tamayo at Castro ay maituturing na kapani-paniwala, tapat at nararapat paniwalaan.

Ngunit nilinaw ng korte na kung may karapatan sa pribelehiyo ng writs of amparo at habeas data ang mga petitioner ay isang hiwalay na usapin.

“After examination of thr parties’ respective evidence, we are of the view that petitioners failed to prove their allegations by substantial evidence.”

Walang naisumiteng patunay ang mga petitioner na may kinalaman ang estado sa kanilang pagkawala.

Hindi naipakita nina Tamayo at Castro na kailangan ipagkaloob sa kanila ang right of informational privacy at hindi rin nila tinukoy ang partikular na data na kailangan mula sa mga respondent. Teresa Tavares