MANILA, Philippines – “ANG dengue na dala ng lamok ay maaaring iwasan, kung pananatilihing malinis ang kapaligiran.”
Ito ang ipinahayag ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan kasabay ng panawagan nito sa mga punong barangay na paigtingin ang mga cleanup drive upang masugpo ang mga kaso ng dengue fever sa gitna ng tag-ulan.
Ginawa ni Mayor Honey Lacuna ang panawagan matapos makatanggap ng mga ulat ng 131 kaso ng dengue sa lungsod mula Hulyo 21 hanggang Agosto 9, na kinabibilangan ng 23 kumpirmadong kaso at isang pagkamatay.
Aniya, ang bilang ng mga kaso ng dengue ay maaaring masugpo sa pamamagitan ng paunang aksyon ng mga opisyal ng barangay.
Pinayuhan din ng alkalde ang mga residente na iwasang mag-iwan ng mga lalagyan ng tubig na walang takip dahil ang mga lamok ay gustong mangitlog sa stagnant water.
Mula Enero 1 hanggang Hulyo 27 ngayong taon, nakapagtala ang Department of Health ng kabuuang 128,834 na kaso ng dengue, kung saan 33-porsiyento na pagtaas mula sa 97,211 na kaso sa parehong panahon noong 2023. Jay Reyes