MANILA, Philippines – NAKUMPISKA ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang iba’t-ibang klase ng mga produktong pang-agrikultura na pawang mga walang kaukulang permit na bitbit ng dalawang Japanese national sa magkahiwalay na araw nito lamang nakaraang linggo.
Nabatid sa BOC, nagsagawa ng magkasanib na inspeksyon ang BOC-NAIA at ang Department of Agriculture (DA) na nagresulta sa pagkakasamsam ng mga padala ng mga produktong agrikultura nang walang kinakailangang Sanitary and Phytosanitary Import Clearance (SPSIC) mula sa Bureau of Animal Industry (BAI), Bureau of Plant Industry (BPI), at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Sa pakikipag-ugnayan sa Intelligence and Enforcement Service (IES) ng DA, isang kargamento na dinala ng isang Japanese national ang naharang noong Agosto 8, 2024, na kinabibilangan ng 527.10 kilo ng sariwang karne ng baka, 26.5 kilo ng sariwang manok, 60 piraso ng itlog, 57.1 kilo ng iba’t ibang prutas at gulay, at 57.10 kilo ng mga produktong isda.
Nang sumunod na araw, isa pang kargamento mula sa isang pasaherong Hapones ang nasamsam, na binubuo ng 140.2 kilo ng karne at mga produktong karne, 10 piraso ng itlog, 165 kilo ng prutas, halaman, at gulay, at 235.5 kilo ng sari-saring produkto ng isda.
Ayon sa BOC, ang lahat ng mga nasamsam na produkto ay itinurn-over sa BAI, BPI, at BFAR, para sa wastong pagtatapon, tinitiyak na walang potensyal na panganib sa kalusugan o pinsala sa industriya ng pagkain ang lalabas mula sa kanilang hindi awtorisadong pagpasok.
“We will continue to bolster the BOC’s border protection efforts against smuggling and other illicit activities,” ayon kay District Collector Yasmin O. Mapa. Jay Reyes