Libu-libong TNVS drivers ang sumali sa “Sulong TNVS Drivers Advocacy Run 2025” kung saan nagkaroon ng panawagan para sa dagdag-pasahe para sa TNVS rides.
Nanawagan ang TNVS community sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na dinggin na ang kanilang panukala para sa pagtaas ng pamasahe sa TNVS rides.
Ang TNVS community ay ang pinakamalaking samahan ng iba’t ibang alyansa ng TNVS drivers sa bansa.
Sa ginanap na “Sulong TNVS Drivers Advocacy Run 2025” na dinaluhan ng libu-libong TNVS drivers, muling binigyang-diin ni Mr. Ninoy Mopas, chairman at spokesperson ng TNVS Community, ang napapanahong pagtaas ng pamasahe para sa TNVS bookings.
Layunin ng advocacy run na ginanap sa Imus, Cavite noong nakaraang linggo, na maipamalas ang pagkakaisa ng drivers at maitulak ang panawagan para sa makatarungan at sapat na kita sa gitna ng patuloy na pagtaas ng gastusin sa araw-araw.
““Ramdam na rin naming TNVS drivers ang epekto ng inflation sa merkado, gaya na lamang ng pagtaas ng presyo ng gasolina at mga bilihin sa pang-araw-araw. Napapanahon na ang aming industriya rin ay mabigyan ng pansin ng ating gobyerno upang masigurado na bawat TNVS driver ay kumikita nang patas at sapat,” sabi ni Mopas.
Ibinahagi niyana una na silang dumulog sa LTFRB noong 2023 upang taasan ang base fare nang P20.
Muli silang naghain ng mosyon noong nakaraang buwan upang dinggin na ng ahensya ang kanilang panawagan, lahad pa ng lider ng TNVS Community. RNT