Home NATIONWIDE Myanmar, Thailand niyanig ng M-7.7 na lindol; 43 na-trap sa gumuhong gusali

Myanmar, Thailand niyanig ng M-7.7 na lindol; 43 na-trap sa gumuhong gusali

Photo by Lillian SUWANRUMPHA / AFP

MANILA, Philippines – Isang lindol na may lakas na 7.7 magnitude ang tumama sa gitnang Myanmar ngayong Biyernes, na nagdulot ng takot at pinsala sa Thailand.

Ang sentro ng lindol ay sa hilagang-kanluran ng Sagaing at sinundan ito ng aftershock na may lakas na 6.4 magnitude.

Sa Bangkok, bumagsak ang isang 30-palapag na gusali na ginagawa para sa pamahalaan, kung saan na-trap ang nasa 43 manggagawa. Inaasahang daan-daan ang sugatan, habang punuan na ang mga ospital.

Sa Naypyidaw, Myanmar, nasira ang mga kalsada at gusali, dahilan upang magtakbuhan ang mga tao palabas. Sa labas ng mga ospital ginagamot ang ilan sa mga nasaktan. Ramdam din ang pagyanig hanggang sa Yunnan, China.

Dahil sa sakuna, nagdeklara ng state of emergency si Thai Prime Minister Paetongtarn Shinawatra at sinuspinde ang operasyon ng metro at tren sa Bangkok.

Dahil sa mahina at lumang imprastraktura, nananatiling bulnerable ang Myanmar sa matitinding sakuna gaya ng lindol. RNT