MANILA, Philippines — Pinabulaanan ni Bise Presidente Sara Duterte ang mga ulat na tinanggihan ng kanyang tanggapan ang pamilya ng vlogger na humingi ng tulong matapos siyang arestuhin dahil sa pag-post ng larawan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may caption na “headshot.”
“I never received a request of help from the family of the vlogger and it is highly unlikely for us to say no because this is a matter of legal assistance,” pahayag ni Duterte sa panayam sa Zamboanga City.
Paliwanag niya, karaniwang inirerefer ng Office of the Vice President (OVP) ang ganitong mga kaso para sa legal na payo.
“Kapag may lumapit ng tulong at legal problem siya, hinahanapan siya o pina-partner siya sa abugadong pwedeng magbigay ng legal advice,” aniya.
Ayon sa National Bureau of Investigation (NBI), inaresto nila ang vlogger mula Pagadian matapos nitong mag-post ng larawan ni Marcos na may caption na “headshot,” na umano’y may “ibang intensyon.”
Nilinaw ng vlogger na wala siyang balak manira o magbanta.
“Ang tinutukoy kong headshot ay ‘yung pagtapat ng salitang ‘bogo’ sa ulo ng Pangulo — dahil Bogo City ang nakalagay doon sa larawan,” paliwanag niya. “Wala akong intensyon manira o magbanta.”
Sinabi ng NBI na naghahanda ito ng mga kasong grave threats at inciting to sedition laban sa vlogger. RNT