Home NATIONWIDE Hirit sa SC: Traffic violations tumataas; pagpigil sa no contact apprehension ibasura

Hirit sa SC: Traffic violations tumataas; pagpigil sa no contact apprehension ibasura

MANILA, Philippines- Hiniling ng Metropolitan Manila Development Authority at ng Land Transportation Office sa Supreme Court na ibasura ang mga petisyon ng iba’t ibang  grupo at indibidwal laban sa No-Contact Apprehension Policy (NCAP) upang mapigilan ang tumataas na bilang ng traffic violations.

Sa kanilang tugon na isinumite ng Office of the Solicitor General sa SC noong Agosto 12, 2024, binanggit ng mga ahensya na simula nang magpalabas ng temporary restraining order laban sa NCAP noong Agosto 30, 2022, naitala sa surveillance cameras ang 257,000 traffic violations. 

Sinabi pa ng Solicitor General na 32,000 traffic violations ang naitala noong Mayo 2023 kumpara sa 9,500 average traffic violations kada buwan bago sinuspinde ang NCAP.

“Clearly, the NCAP acts as an effective deterrent against traffic violation,” giit ni Solicitor General Menardo Guevarra sa tugon na isinumite sa Supreme Court. 

Binanggit din ng Solicitor General ang hirap ng MMDA sa pagpapairal ng “exclusivity” ng EDSA bus lane nang walang CCTV-assisted apprehension, na nagresulta umano sa ilang aksidente.

“Verily, until this honorable court makes a definite and categorical declaration on the validity of NCAP ordinances, they enjoy the presumption of validity and has the force and effect of law,” giit ni Guevarra.

Gayundin, inulit ng Solicitor General na ang NCAP ordinances ay hindi lumalabag sa constitutional right to privacy ng mga motorista at ang mga kinakailangang impormasyon  para maisagawa ang tungkulin ng public authority ay labas sa saklaw ng Data Privacy Act of 2012. RNT/SA