Home NATIONWIDE HIV education, treatment sa Northern Mindanao pinalakas ng DOH

HIV education, treatment sa Northern Mindanao pinalakas ng DOH

MANILA, Philippines – Pinalalakas ng Department of Health (DOH) Region 10 ang kampanya para sa HIV education at libreng treatment sa Northern Mindanao, lalo na sa mga kabataan at komunidad.

Sa isang press briefing nitong Huwebes, Hulyo 3, sinabi ni Dr. Wellaflor Kindom Brito, hepe ng DOH-10 Infectious Diseases Cluster, na umabot na sa 4,008 ang naitalang HIV cases sa rehiyon hanggang Marso 2025.

Gayunman, binigyang-diin ni Brito na lumawak na ang access sa testing at suporta sa gamutan, dahil mas maraming treatment centers na ang pinamamahalaan ng mga municipal at city health offices.

“We have persons living with HIV (PLHIV) advocates who openly disclose their status to the public to encourage testing and seek treatment because it is free,” ani Brito.

Paliwanag niya, nananatiling boluntaryo ang pagsasapubliko ng HIV status, at ang mga nasa gamutan ay maaari pa ring mamuhay nang normal. Kapag may regular na treatment, hindi na nakahahawa ang PLHIV dahil bumababa at nawawala sa detection ang viral load.

Ipinaalala rin ni Brito na saklaw ng Republic Act 11166 o Philippine HIV and AIDS Policy Act ang proteksyon at suporta sa kalusugan ng PLHIV. Layon din ng batas na maiwasan ang diskriminasyon sa trabaho, pambabastos, at ilegal na pagbubunyag ng pagkakakilanlan ng mga pasyente. RNT/JGC