MANILA, Philippines — Bumisita si Senador Risa Hontiveros sa Pag-asa Island sa Kalayaan Island Group (KIG) at nangakong tutulong sa pagbibigay ng kabuhayan at pagpapalakas ng serbisyong medikal para sa mga residente roon.
Ayon sa senador, hindi dapat mapabayaan ang munisipalidad ng Kalayaan dahil bahagi ito ng Pilipinas.
“Ang pagbisita ko ay pagpapakita lamang ng suporta at pakikiisa sa mga kapwa nating Pilipino na nandito sa Kalayaan. Sila at ang munisipalidad nila ay bahagi ng Pilipinas kaya hinding-hindi sila dapat pabayaan,” saad sa pahayag ni Hontiveros.
Isinagawa ang pagbisita kasabay ng kanyang ika-60 kaarawan at sa koordinasyon ng National Task Force for the West Philippine Sea, National Security Council, Armed Forces of the Philippines at Philippine Coast Guard (PCG).
“We found that livelihood infrastructure, such as solar-powered cold storage facilities for our fisherfolk, is much needed. That’s why I will coordinate with the Department of Agriculture and will call on the private sector, especially with their Corporate Social Responsibility initiatives, to provide them with these. We need to help them boost their economy and livelihood,” ayon pa kay Hontiveros.
Tiniyak din ni Hontiveros na makikipagtulungan sa Department of Health upang mapalakas ang mga pasilidad medikal sa isla.
Samantala, pinuri ni PCG spokesperson Commodore Jay Tarriela ang “katapangan” ng senador sa pagsama sa maritime domain awareness flight patungong Pag-asa Island.
Nagpasalamat din si Tarriela sa pagdadala ng grocery packs, pagsasagawa ng medical mission na may dalang portable laboratories, at pagbibigay ng mahigit 20 portable desalinator machines para sa mga tropa sa KIG.
Dumating ang pagbisita ni Hontiveros ilang araw matapos imungkahi ni Sen. Rodante Marcoleta na isuko ng bansa ang KIG, iginiit na hindi umano ito sakop ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas. RNT/JGC