MANILA, Philippines – Nanawagan si Sen. Risa Hontiveros nitong Martes ng mas malakas at rights-based na reporma sa sistema ng kalusugan sa bansa, sa pagbubukas ng public hearing ng Senate Committee on Health and Demography.
Tinalakay dito ang mga panukala para sa HIV, tuberculosis (TB), autism spectrum disorder (ASD), at ang Magna Carta ng Barangay Health Workers (BHWs).
Ayon kay Hontiveros, ang mga suliranin sa HIV, TB, at ASD ay nagpapakita ng malalim na kakulangan at hindi pagkakapantay-pantay na naglalagay sa mga mahihirap at bulnerableng komunidad sa panganib. Binanggit niya na ang TB ay kumakain ng humigit-kumulang 98 buhay ng Pilipino kada araw.
“HIV at TB ay nagpapakita ng parehong katotohanan: lumalaganap ang sakit kung may umiiral na hindi pagkakapantay-pantay,” ani Hontiveros.
Ipinapanukala ng komite ang mas malakas na HIV programs, end-TB strategy, at komprehensibong autism care kabilang ang maagang diagnosis, inclusive education, community support, at lifelong services.
Patuloy na tumataas ang kaso ng HIV sa Pilipinas; kabilang ang bansa sa high-burden TB countries, at tumaas nang malaki ang prevalence ng autism sa nakaraang dekada, habang maraming pamilya ang hirap makahanap ng abot-kayang therapy.
Binanggit ni Hontiveros ang kahalagahan ng mga Barangay Health Workers (BHWs) sa mga reporma sa kalusugan, dahil sila ang pangunahing tagapagpatupad ng TB DOTS, HIV treatment adherence, at local autism support initiatives.
Sa higit 251,000 BHWs sa buong bansa, marami pa rin ang boluntaryo, kaya mahalaga aniya na rebisahin ang Magna Carta ng BHWs upang matiyak ang makatarungang kompensasyon, proteksyon, at suporta sa mga frontliner na nagpapatupad ng universal healthcare.
“Hindi lang ito labor bill — ito ang backbone ng universal healthcare,” dagdag niya, at binalaan na mananatiling “words on paper” ang reporma kung hindi maempower at masuportahan nang tama ang mga BHWs. RNT/MND