Home NATIONWIDE Hontiveros sa Senado: Deliberasyon sa Anti-Political Dynasty Bill, simulan na

Hontiveros sa Senado: Deliberasyon sa Anti-Political Dynasty Bill, simulan na

1
0

MANILA, Philippines – Nagkaroon ng panibagong momentum ang anti-political dynasty drive na inilagay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa priority legislative agenda ng gobyerno noong Disyembre 2025 matapos atasan ng Korte Suprema ang Kongreso na tuluyan nang isabatas ang batas na hinihingi ng Konstitusyon.

Hiniling ni Senador Risa Hontiveros sa Senado na ipagpatuloy ang deliberasyon sa Senate Bill 1901 sa ilalim ng Committee Report 33, at sinabing malaki na ang naisagawang legislative work at hindi na kailangang magsimula muli sa kabila ng pagpapalit ng committee leadership.

“Hindi naman kailangang ang bersyon ko ang masunod. Hindi rin mahalaga kung sino ang mag-sponsor. Ang mahalaga, umusad ang batas,” ani Hontiveros sa kanyang manifestation sa plenary nitong Miyerkules.

Nagsimula ang coordinated push ng kasalukuyang administrasyon sa Legislative-Executive Development Advisory Council meeting noong Disyembre 9, 2025, nang atasan ni Marcos ang dalawang kapulungan ng Kongreso na bigyang prayoridad ang anti-political dynasty measure kasama ng iba pang governance reforms.

Pagkatapos ay tinalakay ng Pangulo ang panukala at sinuportahan ang nationwide consultations, at paulit-ulit na sinabi ng Malacañang na nais niyang maipasa ang panukala sa loob ng kanyang termino.

Naipasa naman ng House of Representatives ang Bill 8389 sa ikatlo at huling pagbasa noong Hunyo 3 sa botong 267-20 na may pitong abstentions. Nai-transmit at natanggap ng Senado ang panukala noong Hunyo 8.

Sa Senado, pinamunuan ni Hontiveros ang Committee on Electoral Reforms and People’s Participation noong Enero at nagsagawa ng serye ng konsultasyon sa Pasig City, Calamba City sa Laguna, Bacolod City, Marilao sa Bulacan, at Cagayan de Oro City bago bumuo ang panel ng Committee Report 33.

Pinagsama-sama ng komite ang ilang panukala sa Senate Bill 1901 na nagbabawal sa political dynasties sa national at local elective offices, pati na sa party-list representation. Nai-report out ang panukala noong Pebrero 24 at umabot na sa period of interpellations sa plenary.

Sinabi ni Hontiveros na iginagalang niya ang awtoridad ng bagong pamunuan ng komite at handa siyang i-turn over ang natapos nang trabaho, kabilang ang mga konsultasyon at deliberasyon sa mga kontrobersyal na tanong, tulad ng degree ng relasyon ng pamilya na sakop at saklaw ng pagbabawal.

“If provisions need to be changed, let us change them. If colleagues have objections, let us hear them. If there are better formulations, let us consider them,” aniya.

Ginawa niya ang apela matapos pagpasyahan ng Korte Suprema na may mandatory constitutional duty ang Kongreso na tukuyin at ipagbawal ang political dynasties at ang kabiguan nitong isabatas ang enabling law sa loob ng 39 na taon ay maituturing na grave abuse of discretion. Inatasan ng Korte Suprema ang Kongreso na sumunod sa Article II, Section 26 ng Konstitusyon “at the earliest opportunity,” matapos pagbigyan ang consolidated petitions na kumukuwestiyon sa matagal na legislative inaction.

Sinabi ni Hontiveros na ang ruling ay nagbibigay-daan sa mga mambabatas na kumpletuhin sa halip na simulan muli ang proseso.

“We now have a bill that has already gone through committee hearings and has reached the plenary. We do not have to begin again from zero,” aniya. “Let us do our part and finish the work.” Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here