Home OPINION HORMUZ BUKAS KAHIT SINARHAN NG US

HORMUZ BUKAS KAHIT SINARHAN NG US

123
0

DINEDEDMA ng ibang mga bansa ang pagharang ng United States Navy sa Strait of Hormuz.

Matapos lumusot ang barkong Rich Starry na oil tanker ng China mula sa Iran at dumaan sa Strait of Hormuz, sinundan na ito ng maraming iba pa na papasok at palabas dito.

Hindi lang ang mga oil tanker kundi bulk carrier at container ship ang lumalabas ngayon sa Persian Gulf dala ang langis, abono at iba pang mga kalakal.

Pumapasok din sila upang magdala ng mga kalakal sa Saudi Arabia, Bahrain, Iran, United Arab Emirates, Qatar at Oman na pawang nasa loob ng Persian Gulf.

Sa dinami-rami ng mga barkong naglalayag papasok at palabas sa Persian Gulf sa pamamagitan ng Strait of Hormuz, anim lang na barko ang nakayanang harangin at sitahin ng US Navy habang ang nakararami ay nagpatay ng kanilang mga Automatic Identification System (AIS)

Mandatoryo ang pagbuhay ng AIS sa malalaking barko habang naglalayag upang maiwasan ang mga banggaan at disgrasya.

Laman ng AIS ang pagkakilanlan ng barko, posisyon nito sa katubigan, bilis ng takbo, direksyon nito at istasyon kung saan ito nakahimpil.

HINDI SUMASAMA SA US

Walang sumasama sa US para harangin ang Strait of Hormuz at paralisahin ang Iran, maging ang Britain, Canada at Japan.

Ang France, Italy at Australia, walang kalatoy-latoy ang pagkontra nila sa blockade ng US at ang buong European Union hindi rin sumasali sa giyera.

Rason nila, hindi nila giyera ang Iran war.

Lalong umigting ang pag-ayaw ng 27 bansang European Union sa giyera nang ipagpatuloy ng Israel ang giyera sa Lebanon na sa isang araw ay pumatay ng mahigit 300 Lebanese at sumugat ng libo-libo nitong nagdaang araw lamang.

Mahigit isang milyon nang Lebanese at dayuhan sa Lebanon, kasama ang mga Pinoy, ang nawalan ng tirahan o nasa bakwitan dahil sa pambobomba at paglusob ng Israel sa layong masakop nito ang lugar ng mga Hezbollah.

Ayon sa ibang mga bansa, nagiging kriminal na ang Israel at labis na nitong nilalabag ang mga karapatang pantao, lalo’t isinasabay nito ang pagpatay pa rin sa mga Palestino sa Gaza Strip.

LABIS NA MAHALAGA

Labis na mahalaga ang Strait of Hormuz dahil dito dumaraan araw-araw ang nasa 100 oil tanker na nagbibiyahe ng langis at liquified natural gas o LNG palabas ng Persian Gulf at mula sa Saudi Arabia, Iraq, Iran, Kuwait, Bahrain, Qatar, United Arab Emirates at Oman patungo sa Europe, Africa, South Amerika at Asya, kasama na ang Pilipinas.

Kasama na rin sa mga lumalabas sa Persian Gulf ang nasa 30-40% suplay ng mundo na abono na sakay ng ibang mga barko patungo sa ibang bansa, kasama rin ang Pilipinas.

Kasama naman ang mga kalakal na benta ng Pinas sa mga Arabong bansa ang dumaraan din sa Strait of Hormuz.

Ganyan kahalaga sa atin ang mga nasabing Arabong bansa at pagdaloy ng mga langis, LNG at kalakal sa Strait of Hormuz.

Kaya naman, dapat ipagpatuloy ng Pilipinas ang posisyon nitong itigil na ang digmaang pinasimulan ng US at Israel at pairalin ang kapayapaan.

Labis na tayong naghihirap sa bunga ng digmaan na lumikha ng sumpa ng napakamahal na langis at pagtaas na rin ng presyo ng mga bilihin.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here