MANILA, Philippines — Hiniling ni dating House Speaker Martin Romualdez sa Sandiganbayan na payagan siyang manatili sa Cardinal Santos Medical Center habang nasa kustodiya ng mga awtoridad dahil sa plunder case na kinakaharap niya kaugnay ng umano’y flood control kickback scheme.
Sa manifestation at urgent motion na inihain sa Sandiganbayan Third Division, hiniling ng kampo ni Romualdez na manatili siyang naka-confine hanggang ideklarang medically fit para ilipat sa detention facility.
Ayon sa kanyang kampo, hindi nito hinihinging malibre si Romualdez sa arrest, booking, security restrictions, court appearances o eventual transfer, kundi ang pagpapatuloy lamang ng inpatient treatment habang kinakailangan batay sa kanyang kondisyon.
Kabilang sa mga kondisyong nakasaad sa kanyang medical records ang coronary artery disease, unstable angina, hypertension, Type 2 diabetes at cerebrovascular ischemic disease. Nakasaad din sa motion na sumailalim siya sa angioplasty noong Oktubre 2024.
Iminungkahi rin ng kampo ni Romualdez ang round-the-clock security, visitor restrictions at pagbabawal na makalabas o mailipat siya mula sa ospital nang walang pahintulot ng korte.
Nauna nang isilbi kay Romualdez ang warrant of arrest habang nasa ospital at isinailalim siya sa booking procedure. Itinuturing na siyang person deprived of liberty matapos maipatupad ang warrant.
Sinabi naman ng Sandiganbayan na susuriin nito ang kalagayang medikal ni Romualdez upang matukoy kung may epekto ito sa pagpapatupad ng warrant. Hangga’t walang ibang kautusan ang korte, nananatiling epektibo ang arrest warrant.
Nahaharap si Romualdez at tatlo pang akusado sa plunder charge na inihain ng Office of the Ombudsman kaugnay ng umano’y P7.4-bilyong kickback scheme sa mga flood control project. Naglabas din ang Sandiganbayan ng arrest warrants at hold-departure order laban sa mga akusado.
Nauna nang itinanggi ni Romualdez ang anumang wrongdoing at sinabi ng kanyang kampo na haharapin niya ang mga alegasyon sa ilalim ng proseso ng batas. Santi Celario