MANILA, Philippines – Nangako si House Ways and Means Committee Chairman at Marikina Rep. Miro Quimbo na agad na kikilos ang kanyang komite para mailatag at agad na maipatupad ang malawakang reporma sa buwis na tinukoy ni Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang State of the Nation Address (SONA), na nakatuon sa pagpapagaan ng pasanin ng mga pamilya at negosyo.
Ayon kay Quimbo, pinatutunayan ng direktiba ng Pangulo ang matagal nang paninindigan ng komite na kailangang umangkop ang sistema ng buwis sa bansa sa tumataas na gastusin sa pamumuhay habang isinusulong ang paglago ng ekonomiya.
“We welcome the President’s clear directive to pursue meaningful tax reforms that will provide immediate relief to Filipino taxpayers while strengthening our economy. The Committee on Ways and Means stands ready to act on these priority measures without delay,” ani Quimbo.
Sinabi ni Quimbo na ang pagtaas ng personal income tax exemption threshold sa ₱350,000 ay magbibigay ng matagal nang inaabangang ginhawa sa milyun-milyong manggagawa.
“The effects of inflation over the past years have significantly reduced the purchasing power of Filipino workers. Adjusting the income tax exemption threshold recognizes these realities and ensures that hardworking taxpayers are not unfairly penalized simply because prices have increased,” paliwanag ni Quimbo.
Suportado rin ni Quimbo ang panukala ni Pangulong Marcos na ibukod ang micro at small enterprises mula sa Minimum Corporate Income Tax (MCIT) upang mabigyan sila ng pagkakataong palaguin ang kanilang negosyo at lumikha ng mas maraming trabaho.
“Our micro and small enterprises are among the biggest generators of employment in the country. Reducing unnecessary tax burdens on them allows these businesses to grow, compete, and create more opportunities for Filipino workers,” pahayag nito.
Kasabay nito, tinanggap din ng komite ang panukala para sa isang komprehensibong tax amnesty na sasaklaw sa income tax, estate tax, donor’s tax, value-added tax (VAT), pati na ang mga kaukulang penalty at surcharge.
Tiniyak ni Quimbo na makikipagtulungan ang kanyang komite sa Department of Finance, Bureau of Internal Revenue, business community at iba pang stakeholder upang matiyak na maisasakatuparan ang mga repormang inilatag ni Pangulong Marcos para sa nalalabing dalawang taon ng kanyang termino. Gail Mendoza