Home NATIONWIDE HPG, kinasuhan 2 BOC personnel sa Bulacan warehouse raid

HPG, kinasuhan 2 BOC personnel sa Bulacan warehouse raid

1
0

MANILA, Philippines — Naghain ng reklamo ang Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) laban sa dalawang tauhan ng Bureau of Customs (BOC) kaugnay ng kontrobersyal na operasyon sa isang warehouse sa Bulacan noong Agosto 19.

Sa pitong pahinang reklamo na inihain noong Agosto 28, hiniling ni HPG Police Corporal Melvin Habbiling na isama sa preliminary investigation sina BOC Special Agent Lucky Joy “Joy” Solmayor at Technical Support Staff Alexander “Alex” Arroyo Jr.

Batay sa sworn affidavit ni Jesus Froilan Acebes Carpiso, na tinukoy na umano’y middleman sa transaksyon, naroon ang dalawang BOC personnel sa warehouse nang isagawa ng Regional Highway Patrol Unit-National Capital Region (RHPU-NCR) ang operasyon.

Sinabi ni Carpiso, sina Solmayor at Arroyo umano ang tumanggap ng bayad kapalit ng 225 kahon ng hinihinalang smuggled Red Carnival cigarettes.

Hiniling din sa reklamo na isama sa imbestigasyon ang isang Jocelyn Miano Bancairen at maglabas ng mga kaukulang subpoena habang tinutukoy ng prosekusyon kung may probable cause laban sa mga respondent.

Wala pang pinal na finding ang prosekusyon hinggil sa mga alegasyon laban sa mga nabanggit na indibidwal.

Nag-ugat ang kaso sa operasyon ng HPG noong Agosto 19 nang magkaroon ng komprontasyon ang mga operatiba nito at mga tauhan ng Customs sa isang warehouse sa Bulacan.

Ayon sa naunang pahayag ng PNP-HPG, 13 tauhan nito, kabilang ang pinuno ng HPG-NCR, ang administratibong ni-relieve epektibo noong Agosto 20 upang bigyang-daan ang patas na imbestigasyon sa insidente.

Nauna namang sinabi ng BOC na nagsasagawa noon ang kanilang mga tauhan ng lehitimong cigarette incineration operation at tinawag nitong “unacceptable” ang naging komprontasyon.

Lumitaw din sa paunang pagsisiyasat na nagkaroon umano ng operational confusion at ibang lokasyon ang orihinal na target ng HPG operation.

Patuloy ang magkahiwalay na imbestigasyon upang matukoy ang pananagutan ng mga sangkot sa insidente. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here