MANILA, Philippines- Dapat imbestigahan ng gobyerno kung kabilang sa mga Pinoy na napababalik sa bansa o nire-repatriate ay ang mismong human trafficker.
Ito ang sinabi ni Department of Justice (DOJ) Undersecretary Nicholas Felix Ty batay sa kanyang napag-alaman sa pamahalaan ng Cambodia.
“Ang mga kababayan natin na nalinlang sa isang scam hub sa Cambodia, tinuturing na nating sila biktima, pinapauwi, binigyan ng ayuda at kung anu-ano,” ani Ty.
Dapat aniyang suriing mabuti ang mga tao at tukuyin kung sino ang talagang biktima at kung sino ang nasa likod ng krimen.
Nitong Abril, dalawang batch ng mga Pinoy ang nailigtas at ni-repatriate mula sa scam center sa Oddar Meanchey province, Cambodia.
Tatlo rin sa hinihinalang illegal recruiters ang naaresto.
Binigyan-diin ni Ty na maraming Pinoy ang batid ang kanilang sitwasyon na kahaharapin.
“Kung ganyan ang situation, maituturing na ba natin silang biktima ng human trafficking? Kung sakaling napauwi na sila ulit, bibigyan pa ba sila ng ayuda o ang mas matindi doon, dapat ba managot sila sa mga ibang pagkakamali na ginagawa nila?” dagdag ng opisyal.
Ayon kay Ty, mayroon naitalang 15 kaso ng human trafficking sa bansa ngayong taon.
Nagbabala si Ty sa mga Pinoy na huwag nang magpapadala sa mga human trafficker.
“Yung ibang Pilipino, mukhang alam na nila yung ginagawa nila kaya sana magdalawang isip na kayo dahil baka naman sa susunod na kayo maharap sa peligro, hindi na kayo ganoon kadali mauwi o baka mas malala pa, magbago na ang turing pamahalaan sa inyo at makita na hindi lang kayo simpleng biktima, kung hindi kayo rin ay mga recruiter o facilitator ng human trafficking,” giit ni Ty. Teresa Tavares