Home TOP STORIES Duterte Youth Partylist dudulog sa SC sa naudlot na proklamasyon

Duterte Youth Partylist dudulog sa SC sa naudlot na proklamasyon

(c) Remate File Photo

Manila, Philippines— Nakatakdang magsampa ng petisyon sa Korte Suprema ngayong araw ang Duterte Youth Party-list laban sa Commission on Elections (Comelec) kaugnay ng umano’y “grabe at malinaw na pag-abuso sa kapangyarihan” ng komisyon sa hindi nila pagproklama bilang isa sa mga nanalong party-list sa katatapos na halalan.

Bagama’t pumangalawa sa listahan ng 54 nanalong party-list sa 2025 midterm elections, hindi pa rin pinroklama ang Duterte Youth, bagay na tinutulan ng grupo.

Ang mga nominee ng Duterte Youth ay sina incumbent Rep. Drixie Cardema, isang 28-anyos na military reservist at kasalukuyang vice chair ng House Committee on National Defense and Security; Berlin Lingwa, 26, mula sa Philippine National Police Academy; at Ron Bawalan, 26, mula sa Philippine Military Academy.

Ayon sa partido, malinaw na naantala ang kanilang proklamasyon dahil sa matagal nang kasong isinampa ng Kabataan Party-list noong 2019—mga alegasyong tinawag nilang “mababaw at walang basehan.”

“Kung seryoso talaga ang alegasyon ng Kabataan noong 2019, bakit pinaupo kami ng Comelec sa Kongreso noong 2019 at 2022, at bakit kami muling pinayagang tumakbo ngayong 2025?” tanong ni Ronald Cardema, chairman ng Duterte Youth.

Kabilang sa mga alegasyon laban sa kanila ay hindi umano sila rehistrado sa Comelec, sangkot sa vote-buying, at nagsusulong ng karahasan—mga paratang na mariing itinanggi ng grupo.

“Imposibleng hindi kami rehistrado. Hindi kami gagastusan ng gobyerno ng pondo kung hindi kami lehitimong party-list,” giit ng grupo. Anila, hindi rin sila bumibili ng boto at inuuna nila ang pagtulong sa mga mamamayan at pagtutok sa kampanya laban sa mga teroristang grupo gaya ng NPA.

“Ang daming corrupt na pulitiko at bumibili ng boto—pero kami pa ang hindi pinayagang maupo? Kami pa ang humihiling na ibalik ang death penalty para sa mga plunderers, heinous criminals, at NPA terrorists,” dagdag ni Cardema.

Nagbabala rin si Cardema na kung hindi mareresolba ang isyu, ilalantad ng kanilang grupo sa publiko ang umano’y katiwalian sa likod ng mga desisyon sa Kongreso at Comelec.

“Kung patuloy kayong mananahimik habang inaapakan ang boto ng taumbayan, kami mismo ang magbubunyag sa mga kabalbalan n’yo. Hindi kami parte ng mga raket sa pamahalaan, pero kung kami na ang binoto ng milyun-milyong Pilipino tapos pipigilan n’yo pa, huwag kayong magtaka kung ilantad namin ang lahat,” pagtatapos niya.

Inaasahang lalong iinit ang usapin sa mga susunod na araw habang inaabangan ang tugon ng Comelec at ng Korte Suprema sa hakbang ng Duterte Youth. RNT