MANILA, Philippines- Matindi ang pangangailangan na mapalakas ang pakikipag-ugnayan ng Pilipinas at Cambodia para malabanan ang human trafficking.
Ito ang iginiit ni Justice Undersecretary Nicholas Felix Ty bunsod ng nakaaalarma aniyang bilang ng mga Pilipino na nabibiktima ng mga scam sa Southeast Asia.
Bilang Undersecretary na nangangasiwa sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT), sinabi ni Ty na mahalaga ang dayalogo at palitan ng mga kaalaman sa Cambodia.
Minamadali na aniya ng Philippine government ang mga hakbanging nito para masugpo ang human trafficking kabilang na ang pagpapasara ng mga ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) at pagpapatupad ng mas mahigpit na immigration screenings.
Sa kasalukuyan, nakapagsampa na ang mga awtoridad ng 15 human trafficking cases sangkot ang mga recruiter na nahuli sa mga paliparan.
Balak din aniya ng pamahalaan na makipagdayalogo sa iba pang bansa sa Asya gaya ng Brunei at ipagpatuloy ang annual regional IACAT summit kasama ang Southeast Asian partners.
“Kung anong mga relationship na nagawa, mga activity, dapat ituloy lang. Dapat bukas ang komunikasyon. Dapat may mga joint operation or may mga information sharing,” ani Ty. Teresa Tavares