Home OPINION HUMINAHON NANG MAY DANGAL

HUMINAHON NANG MAY DANGAL

199
0

NAGLABAS na ng desisyon ang Korte Suprema: unconstitutional ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte. Labing tatlong mahistrado ang pumirma at walang isa mang kumontra. Malinaw. Malinis. Matibay.

Pero tila may mga ayaw tumigil sa pagbatikos. Sina Adolfo Azcuna at Antonio Carpio, na parehong minsa’y naging bahagi ng Korte Suprema bilang mga Associate Justice, ngayon ay lantaran ang pagtutol. Hindi lang nila kinuwestyon ang desisyon ng Kataas-taasang Hukuman. Binanatan din nila ang mga kasalukuyang mahistrado, para bang sila na lang ang may monopolyo sa tamang interpretasyon ng Konstitusyon.

Bakit tila mas gigil pa sila kaysa sa mga nagsampa ng reklamo? Para bang may personal na misyon na pigilan si VP Sara. Para bang sila na ngayon ang tumatayong tagapagsalita ng pro-impeachment camp.

Ang tanong: ito ba ay bunga ng ligal na paninindigan o isa nang bahagi ng estratehiya ng mga pulitikal na grupo na gustong impluwensyahan ang opinyon ng publiko?

Bilang mga dating hukom, inaasahan sana na mananatili silang mahinahon, maingat sa salita, at may paggalang sa kapwa nila miyembro ng hudikatura.

Hindi kailangang sumang-ayon, pero may paraan para ipahayag ang salungat na pananaw na may dangal at paggalang sa institusyong minsan nilang pinagsilbihan.

Hindi maikakaila na ang Korte Suprema ang siyang huling salita pagdating sa mga usaping ligal at konstitusyonal. Kung hindi ito igagalang ng mga dati nitong miyembro, paano pa aasahan ang taumbayan na sumunod sa batas?

Sa halip na manggulo, makabubuting tumahimik na lang at hayaang gumana ang mga institusyon gaya ng dapat.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here