MANILA, Philippines – Nangako ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) noong Sabado na walang-tigil sa paghahabol ng hustisya para sa mga biktima ng Maguindanao massacre.
Ito ang tiniyak ni PTFoMS Executive Director Jose Torres Jr. sa ika-15 anibersaryo ng pagpatay at pag-atake laban sa mga mamamahayag sa bansa.
Pagtitiyak pa ng PTFoMS, mananatili ang administrasyong Marcos na suportahan ang mga mamahayag sa pagtatanggol sa katotohanan at pagtugon sa mga hinihingi ng isang modern press.
Inalala ng PTFoMS ang mga biktima ng Maguindanao Massacre na ang kanilang sakripisyo ay hindi malilimutan.
“We will continue to work tirelessly to ensure that justice prevails, and that the Philippines remains a safe place for journalists to work,” sabi ng PTFoMS.
Ang task force ay nagpahayag ng apat na pangako sa ika-15 anibersaryo ng Maguinanao massacre, ito ay:
– Palakasin ang mga pagsisikap na pigilan at tugunan ang mga pagpatay at karahasan sa media.
– Pahusayin ang koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno at mga organisasyon ng media, lalo na sa lokal na antas.
– Isulong ang kultura ng kaligtasan at paggalang sa kalayaan sa pamamahayag.
– Tiyakin na makakamit ang hustisya ng lahat ng biktima ng pag-atake laban sa mga media workers.
Nananawagan din ang task force sa lahat ng sektor ng lipunan na makiisa sa pagtataguyod ng kalayaan sa pamamahayag at pagprotekta sa mga karapatan ng mga mamamahayag.
Idinagdag pa na ang isang malayang pamamahayag ay mahalaga sa isang gumaganang demokrasya, at dapat tayong lahat ay mag-ambag sa pagtiyak na ang mga mamamahayag ay maaaring gawin ang kanilang mga trabaho nang walang takot sa paghihiganti.
May kabuuang 58 katao, kabilang ang 32 mamamahayag, ang napatay sa bayan ng Ampatuan sa Maguindanao noong Nobyembre 23, 2009.
Kasama ng mga media ang mga kamag-anak at tagasuporta ni Esmael “Toto” Mangudadatu na patungo sana sa paghahain ng certificate of candidacy ng huli para sa gobernador.
Si Torres ay dating Philippine Information Agency (PIA) director general at inanunsyo ang kanyang pagkakatalaga noong Nov.14 ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cesar Chavez. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)