Home NATIONWIDE Magarbong paggasta ng DAR tinuligsa ng mga magsasaka; kilos-protesta isasagawa

Magarbong paggasta ng DAR tinuligsa ng mga magsasaka; kilos-protesta isasagawa

MANILA, Philippines – Magsasagawa ng kilos-protesta bukas Nobyembre 25 (Lunes) ang may 100 magsasaka ng Negros Occidental Task Force Mapalad (TFM) sa punong tanggapan ng Department of Agrarian Reform (DAR) para tuligsain ang marangyang paggastos ng DAR sa mga pageant at iba pa sa kabila ng inilaang mababang badyet para sa pamamahagi ng lupa ng CARP para sa mga magsasaka.

Ayon kay Teresita Tarlac, president ng Negros Occidental farmers ng Task Force Mapalad, ang isasagawang kilos protesta ng mga magsasaka ng Negros sa tanggapan ng DAR ay upang iprotesta ang mababang badyet ng DAR sa Pamamahagi ng Lupa (LAD) para sa mga magsasaka subalit meron itong badyet para sa marangyang paggastos sa mga pageant.

Sinabi pa ni Tarlac na ang kilos protesta ng mga magsasaka sa tanggapan ng DAR ay pangungunahan ng mga magsasaka mula sa Negros Occidental, Bukidnon, Batangas, Rizal at iba pang mga lalawigan na sumusuporta sa pambansang pederasyon ng mga magsasaka na Task Force Mapalad (TFM).

Nauna ng sinabi ng Task Force Mapalad na may pananagutan si Pangulong Bong Bong Marcos Jr. at ang Department of Agrarian Reform (DAR) na pinamumunuan ni DAR Secretary Conrado M. Estrella lll dahil sa mabagal na land acquisition ng lupang agraryo.

Kaugnay nito nanawagan ang Task Force Mapalad kay Pangulong Marcos Jr. at sa mga opisyal ng DAR na ihinto ang labis na paggasta sa mga hindi kinakailangan adtibidad tulad ng pagdaraos ng mga beauty pageant tulad ng Binibining Agraryo 2024 habang ang mababang badyet ay inilalaan para sa LAD na nagreresulta sa pinakamaliit na naisakatuparan sa pamamahagi ng lupa ng administrasyon mula sa programa ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Idinagdag pa ng TFM na ang protesta ng mga magsasaka ay binibigyang-pansin ang mga maling priyoridad ng administrasyong Marcos na hindi umiiwas sa magarbong pagtitipon, habang sinasakal ang alokasyon ng badyet para sa LAD.

Kaugnay nito sinabi pa ng Task Force Mapalad na dapat itigil ng DAR ang non-redistributive scheme ng CARP sa mga landholding ng Danding Cojuangco sa Negros Occidental at ipamahagi ang mga ito at maglagay ng mga ARB sa mga asyenda. (Santi Celario)