Home OPINION HUWAG MAGING PASAWAY SA BATAS-TRAPIKO  

HUWAG MAGING PASAWAY SA BATAS-TRAPIKO  

NAPAKAGAANG magbiyahe kapag sumusunod ang lahat sa batas-trapiko na pinaiiral sa ilalim ng R.A. 4136 o Land Transportation and Traffic Code. Pero ang isang malaking katanungan dear readers, papaano kapag may kakulangan sa pagpapatupad nito?

Halimbawa na lamang ang mga depektibong traffic light. Kailangang may nakamonitor na kawani ng pamahalaan para sa agarang pagrereport at pagsasaayos ng mga ito. Mainam sana kung laging may traffic enforcer na available sa bawat intersection na magpapanatili sa ligtas at tuluyang daloy ng trapiko lalo na sa major intersections.

Sa ibang bansa katulad ng United States, obligadong gawin ang traffic light preventive maintenance system. Alam ba ninyong “liable” ang munisipalidad at ahensyang nagkokontrol sa mga ito? Ang ibig sabihin, maaari silang makasuhan dahil sa depektibong traffic light. Maituturing ito bilang isa sa mga ‘root cause’ ng trahedya sa daan. Sana meron ding ganitong sistema at batas sa ating bansa.

Pagtuunan din sana ng pansin ng mga awtoridad ang tamang paglalagay ng concrete barriers, steel bollard poles at orange traffic cones sa bawat kalye lalo na kung may road construction.  May ilang motorista nang nabulaga at naaksidente dahil kupas na ang kulay na nagbibigay warning sa gabi. Magiging malaki talaga ang tyansa na mabangga o masagi ito ng sinomang driver lalo na kung pundido ang street lights.

Magpost din sana ng “No Cycling” at “No E-light vehicle” safety signs sa bukana ng mga fly-over para mabigyan ng babala ang mga siklista at gumagamit ng e-bike, e-trike, etc. Mas ligtas kasi sila kung sa ilalim padaraanin kung saan mabagal ang daluyan ng trapiko at mas kontrolado dahil may traffic lights. Aba, mahirap nang magitgit sila ng mga nagkakarerang sasakyan at masagasaan dahil sa blindspots ng mga truck at bus sa tulay.  Ang masaklap pa, wala silang ‘escape access’ kung sakali mang magkaroon ng aberya ang kasabayang sasakyan.

Kulang ang pahinang ito sa pagbibigay ng ating mga suhestiyon para sa kaayusan at kaligtasan sa daan. Kailangang maintindihan ng bawat motorista  na ang pagkakaroon ng disiplina sa pagsunod sa batas-trapiko ang  pinakamabisang sandata para makaiwas sa anomang disgrasya.