MANILA, Philippines — Inaasahang magdadala ng malakas na pag-ulan ang Super Typhoon Rosal sa ilang bahagi ng bansa simula Huwebes ng hapon, Oktubre 22, habang papalapit ito sa Northern Luzon, ayon sa PAGASA.
Sa pinakahuling update ng PAGASA nitong alas-11 ng gabi ng Martes, lalo pang lumakas si Rosal habang kumikilos pa-kanluran hilagang-kanluran sa Philippine Sea, silangan ng Northern Luzon.
Inaasahang magiging pinakamalapit ang bagyo sa kalupaan ng bansa sa Huwebes ngunit hindi ito nakikitang magla-landfall.
Mula Huwebes ng hapon hanggang Biyernes ng hapon, maaaring makaranas ang Batanes ng 100 hanggang 200 millimeters ng ulan, habang 50 hanggang 100 mm naman ang inaasahan sa Cagayan, kabilang ang Babuyan Islands.
Nagbabala ang PAGASA sa posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa, partikular sa mabababang lugar, bulubunduking bahagi at mga lugar na nakaranas na ng malalakas na pag-ulan nitong mga nakaraang araw.
Batay sa forecast track, inaasahang nasa silangan ng Basco, Batanes si Rosal pagsapit ng Huwebes ng hapon. Maaari itong humina bilang typhoon sa Biyernes habang patuloy na kumikilos palayo sa bansa at inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility pagsapit ng Sabado.
Samantala, maaaring makaranas ng kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Bicol Region at Eastern Visayas dahil sa trough ng bagyo. RNT