MANILA, Philippines- Nasabat ng mga awtoridad sa isang High-Value Individual (HVI) drug suspect ang mahigit kalahating milyong piso halaga ng shabu matapos masakote sa ikinasang buy-bust operation sa Caloocan City, Martes ng umaga.
Sa ulat, ikinasa ng mga tauhan ni Caloocan police chief P/Col. Paul Jady Doles ang buy-bust operation sa koordinasyon sa PDEA matapos magpositibo ang natanggap na impormasyon hinggil sa umano’y pagtutulak ng droga ni alyas “Bumbay”, 37, residente ng Bagong Silang, Brgy. 176.
Isa sa mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) na nagpanggap na buyer ang nagawang makipagtransaksyon sa suspek ng P6,500 halaga ng shabu.
Nang tanggapin ng suspek ang marked money mula sa pulis, kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba ng SDEU dakong alas-6:32 ng umaga sa Phase 4 Alley, Barangay 176.
Nakumpiska sa suspek ang umaabot sa 75 grams ng hinihinalang shabu na may estimated standard drug price value na P510,000 at buy-bust money na isang tunay na P500 bill at anim pirasong P1,000 boodle money.
Sasampahan ang suspek ng SDEU ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11 sa ilalim ng Article II, ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Caloocan City Prosecutor’s Office.
Pinuri ni P/BGen. Josefino Ligan, District Director ng Northern Police District, ang mga operatiba ng Caloocan City Police Station at lahat ng operating team sa kanilang dedikasyon at pagsisikap sa high-impact operation na ito. Merly Duero