MANILA, Philippines – Arestado ang isang drug suspect na itinuturing bilang High Value Individual (HVI) matapos makuhanan ng halos P.4 milyong halaga ng shabu sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City.
Kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban ang suspek na si alyas “Saint”, 28, ng Brgy. Bancal, Meycauayan, Bulacan na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon kay Col. Cayaban, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) hinggil sa umano’y illegal drug activities ng suspek kung saan dumadayo pa umano ito sa lungsod para magbenta ng droga.
Nang magawa ng isa sa mga operatiba na makipagtransaksyon sa suspek, agad bumuo ang SDEU saka ikinasa nila ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA.
Nang matanggap ang senyas mula sa kanyang kasama na nagpanggap na poseur-buyer na hudyat na nakabili na siya ng droga sa kanilang target, agad lumapit ang back-up na operatiba saka inaresto ang suspek sa North-South Commuter Railway, Brgy. Dalandanan dakong alas-8:10 ng umaga.
Nakumpiska nila sa suspek ang nasa 58 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P394,400.00, buy bust money na isang tunay na P500 bill at walong P1,000 boodle money, P200 recovered money, at coin purse.
Kasong paglabag sa Sections 5 at 11 sa ilalim ng Article II ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang isinampa ng pulisya kontra sa suspek sa Valenzuela City Prosecutor’d Office. Merly Duero