MANILA, Philippines – BAGSAK sa kulungan ang lalaking drug suspect at itinituring bilang High Value Individual (HVI) matapos makumpiskahan ng mahigit P.4 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation kagabi, Setyembre 5 sa Valenzuela City.
Sa report na nakalap mula sa tanggapan ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban kinilala ang naarestong suspek na si alyas Boss, 48, at residente ng Brgy. Ugong ng lungsod.
Ang pagkakaaresto sa suspek ay nag-ugat makaraang makatanggap ng impormasyon ang mga operatiba hinggil sa umano’y pagtutulak nito ng iligal na droga.
Kasunod nito,ikinasa ang buy bust operation kung ssan nakipagtransaksyon ang mga tauhan ng Drug Enforcement Unit (DEU) sa suspek ng P7,500 halaga ng droga.
Nang tanggapin umano ng suspek ang isang P500 bill na may kasamang pitong P1,000 boodle money mula sa pulis na nagpanggap na poseur-buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba dakong alas-6:00 ng gabi sa Que Balag St., Brgy. Ugong.
Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 70 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug value na P476,000, buy bust money, P600 recovered money, cellphone at itim na pouch.
Samantala, papanagutin sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 under Article II of RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang suspek. Merly Duero