NAVOTAS CITY, Philippines – Bagsak sa kulungan ang isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga at itinuturing bilang High Value Individual (HVI) matapos makuhanan ng nasa P676K halaga ng shabu nang maaresto ng pulisya sa isinagawang buy bust operation sa Navotas City.
Kinilala ni Navotas City Police Chief P/Col. Renante Pinuela ang naarestong suspek na si alyas “Tembong”, 26, residente ng Brgy. Tangos North.
Batay sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Navotas Police hinggil sa umano’y ilegal drug activities ng suspek.
Nang magawa umanong makipagtransaksyon ng isang operatiba ng SDEU sa suspek, kaagad ikinasa ang buy bust operation katuwang ang mga tauhan ng Patrol Base 2, sa koordinasyon sa PDEA.
Dakong alas-11:14 ng gabi nang sunggaban ng mga operatiba ng SDEU ang suspek sa M. Naval Street, Barangay San Roque matapos umanong tanggapin ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na buyer, kapalit ng isang plastic sachet ng shabu.
Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 99.53 grams ng suspected shabu na may standard drug price na P676,804 at buy bust money na binubuo ng isang tunay na P500 bill, 39 pirasong P1,000 at isang P500 boodle money.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, ng Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. RENE MANAHAN