THE HAGUE, Netherlands – Nagpasya ang Appeals Chamber ng International Criminal Court (ICC) na ang apela ni dating Pangulong Rodrigo Duterte laban sa kanyang detensyon ay tatalakayin lamang sa pamamagitan ng written submissions.
Sa kautusang may petsang Enero 29, 2026, sinabi ng chamber: “In the specific circumstances of the present case, the Appeals Chamber considers it appropriate to proceed in this appeal by way of written submissions only.”
Inatasan ng ICC ang defense team ni Duterte na magsumite ng appeal brief na hindi lalampas sa 20 pahina hanggang Pebrero 5, 2026.
Pinayagan din ang Deputy Prosecutor at ang Legal Representatives of the Victims na magsumite ng kanilang tugon hanggang Pebrero 12, 2026.
Isa ito sa mga susunod na hakbang sa mga proseso ng ICC laban kay Duterte, na kinukuwestiyon ang naunang desisyon ng Pre-Trial Chamber kaugnay ng pagrepaso sa kanyang detensyon.
Naaresto si Duterte noong Marso 11 pagdating niya mula Hong Kong, alinsunod sa kahilingan ng ICC kaugnay ng imbestigasyon sa kanyang “war on drugs” noong siya ay pangulo.
Ayon sa arrest warrant ng ICC, inakusahan si Duterte na bilang pangulo ay umano’y lumikha, nagpondo, at nagsuplay ng armas sa mga death squad na sangkot sa pagpatay sa mga hinihinalang drug user at drug dealer. Dinala siya sa The Hague, Netherlands sa mismong araw ng kanyang pag-aresto.
Noong Marso 14, humarap si Duterte sa mga hukom ng ICC sa pamamagitan ng video link. Ang confirmation of charges hearing na nakatakdang idaos noong Setyembre 23 ay ipinagpaliban sa mas huling petsa matapos humiling ang kanyang defense team. Nauna na ring tinanggihan ng ICC Pre-Trial Chamber ang hiling ng kampo ni Duterte para sa pansamantalang paglaya. RNT/MND