MANILA, Philippines – Maaring ilabas na ng International Criminal Court’s (ICC) ang warrant of arrest laban sa mga sangkot sa drug war killing sa nakaraang administrasyon.
Sinabi ni retired Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio na malapit na matapos ang mahalagang bahagi ng imbestigasyon ng ICC prosecutor hinggil sa kontrobersyal na drug war.
Gayunman, hindi inihayag ni Carpio ang source ng kanyang impormasyon.
Aniya, nalaman niya na ang warrant of arrest ay hindi ilalabas nang sabay-sabay.
“Maybe Digong will come out first, and then the second tier, the third tier, it will be in tranches,” ani Carpio.
Samantala, nagpaalala si Atty. Kristina Conti, isa sa legal counsel na kumakatawan sa pamilya ng drug war victims, na maging maingat ang lahat sa paglalabas ng public announcements hinggil sa iiisyu na arrest warrants ICC.
Mas makabubuti aniya na hindi na ipaalam kung kailan ilalabas ang arrest order para may “element of surprise”.
Una nang sinabi ni dating Sen. Antonio Trillanes IV, na mailalabas na ang arrest order laban sa mga suspek sa iligal na drug war campaign ngayong taon.
Isa si Trillanes nsa naghain ng reklamo sa ICC.
Inireklamo si dating Pangulong Rodrigo Duterte at ang militar dahil sa crimes against humanity.
Sa opisyal na datos, nasa 6,000 katao ang napatay dahil sa drug war ngunit sinabi ng human rights watchdogs na ang aktual na bilang ay nasa mahigit 20,000. Teresa Tavares