DALAWANG lungsod at isang bayan sa lalawigan ng Laguna ang may naitalang kaso ng African Swine Fever (ASF), ayon sa pamahalaang panlalawigan.
Ayon sa Provincial Veterinary Office ng Laguna, kabilang sa mga apektadong lugar ang isang Barangay sa San Pablo City, at dalawang Barangay sa Calamba City at Nagcarlan.
Ang African Swine Fever (ASF) ay isang uri ng sakit ng mga baboy. Ito ay nakamamatay para sa mga alagang baboy at mabilis ito makahawa.
Kabilang sa mga sintomas ng ASF sa mga baboy ay pagkaroon ng lagnat, pagkawala ng ganang kumain, pagsusugat, pagdudumi, at iba pa.
Dahil dito ay nagpatupad na ng border control inspection ang Philippine National Police, Bureau of Quarantine, Public Order and Safety Office, at City Veterinary Office sa Brgy. Turbina Calamba City kontra ASF.
Hinaharang at pinapahinto ang mga malalaking sasakyan gaya ng closed van at truck sa mga checkpoint upang masuri ng mga awtoridad ang mga nasabing sasakyan.
Pinapababa ang mga nakasakay sa mga nasabing sasakyan upang makasiguro na walang karne ng baboy na karga sa loob nito.
Ayon sa Laguna Provincial Veterinary Office, kailangang magpakita ang mga biyahero ng veterinary health certificate, local shipping permit, livestock handlers license, at transport carrier accreditation./ Ellen Apostol