Home NATIONWIDE ICC parurusahan ni Trump

ICC parurusahan ni Trump

WASHINGTON, D.C. — Lalagdaan ni U.S. President Donald Trump ang isang executive order ngayong Huwebes na magpapataw ng financial at visa sanctions laban sa mga indibidwal at kanilang pamilya na sangkot sa pagsisiyasat ng International Criminal Court (ICC) sa mga mamamayan at kaalyado ng U.S., kabilang ang Israel.

Ang hakbang ay isinagawa matapos harangin ng Senado ng U.S. ang isang panukalang parusa laban sa ICC bilang protesta sa inilabas nitong arrest warrants laban kay Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu at isang dating defense minister kaugnay ng kampanya ng Israel sa Gaza.

Wala pang opisyal na tugon mula sa ICC, ngunit nagpatupad na umano ito ng mga hakbang upang maprotektahan ang kanilang operasyon, kabilang ang advance salary payments ng tatlong buwan bilang paghahanda sa posibleng financial sanctions.

Ayon kay ICC President Judge Tomoko Akane, ang anumang parusa mula sa U.S. ay maaaring mabilis na makasira sa operasyon ng ICC at banta sa mismong pag-iral nito.

Ito na ang ikalawang beses na gumanti ang U.S. laban sa ICC. Noong 2020, pinatawan ng Trump administration ng sanctions ang dating ICC prosecutor na si Fatou Bensouda dahil sa pagsisiyasat ng tribunal sa diumano’y war crimes ng U.S. military sa Afghanistan.

Ang ICC ay binubuo ng 125 bansang kasapi at may hurisdiksyon sa war crimes, crimes against humanity, genocide, at aggression. Ngunit hindi kasapi ang U.S., China, Russia, at Israel sa naturang korte. RNT